Tuesday, September 7, 2010

Ang Pag-akay ng Diyos sa Tao

IceBreaker: Sino sa ngayon ang maituturing mong best friend at bakit.
Text: Lukas 5:1-11, Juan 6:43 Kaya't sinabi ni Jesus, Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin malibang akayin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw.

Intro: Ng sabihin ni Hesus na ang Ama ang naglalapit sa isang tao sa Kanya, hindi ito ngangahulugang may pinipili siyang iligtas sa karamihan kundi may tinitingnan siyang kalalagyan sa puso ng isang tao na Kanyang basehan sa paglalapit kay Hesus. Sa Lukas 5:1-11 makikita natin sa katauhan ni Pedro ang mga kalalagyang ito na siyang dahilan para makamit niya ang pagpapala at buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.

ANO ANG MGA KALALAGAYANG ITO?

1. Handa na siyang ibigay ang kanyang buhay sa Diyos. V.1-3

- Ang bangka ay simbulo ng kabuhayan ni Pedro na ng hiramin ni Hesus ay hindi siya nagatubili ipahiram ito kahit na hindi maganda ang karanasan niya sa buong magdamag na panghuhuli ng isda. Ito ang unang hinahanap ng Diyos sa tao, ang magpasiya ang isang tao na ibigay niya ang kanyang sarili upang maisaayos ng Diyos. Ng ibigay ni Pedro ang kanyang bangka kay Hesus, saka pa lamang ito napuno ng maraming isda. Kapag ang buhay natin ay Diyos na ang nagpapatakbo, saka pa lamang ito nagkakaroon ng tunay na “laman” at kabuluhan.

2. Handa na siyang magpakumbaba sa Diyos. V.4-5

- Ang hadlang sa pagkakilala ng isang tao sa tunay na landas ng buhay ay ang kanyang mga sariling pananaw. Si Pedro ay tumutol kay Hesus ng ito ay utusang pumalaot upang manghuli uli ng isda dahil ang kanyang karanasan ng nagdaang gabi ang kanyang basehan. Ngunit pinili niya ang magpakumbaba at magtiwala kay Hesus at dahil sa kanyang pagpapakumbaba at pagsunod, nakita niya at naranasan ang kapangyarihan ng Diyos.

Pag may argumento ang Diyos at ang puso ng tao, dapat ang Diyos ang laging mananalo.

3. Handa na siyang kalimutan ang nakaraan at sumunod sa Diyos v. 7-11

- Sa kabila ng mga kabiguan nagpasiya si Pedrong kalimutan agad ang kanyang nakaraan at nagpasiyang humakbang sa pananampalataya at pagsunod kay Hesus. Ang pagpapasiyang ito ni Pedro sa kanyang puso ang isa sa laging tinitingnan ng Diyos sa mga tao, ang magpasiyang sumunod at manampalataya. Sa ganitong kalalagayan ng puso labis na natutuwa ang Diyos dahil siya ay napaparangalan at ito din ang daan upang Siya ay malayang makakilos at magpala sa ating buhay.
MGA BAGAY NA DAPAT TANDAAN AT GAWIN

Juan 6:25 Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, Guro, kailan pa kayo rito? 26 Sumagot si Jesus, Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan. 28 Kaya't siya'y tinanong nila, Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos? 29 Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya, tugon ni Jesus.

Malungkot si Hesus kapag ang isang tao ay nakatuon lamang sa materyal na pagpapala sa pagsunod sa Kanya dahil ito ay panandalian lamang ngunit ang makapiling ang Diyos ay pasimula ng pagpapalang walang hanggan.

- Hangarin ang Diyos ng higit sa lahat ng bagay.

- Magpasiya na ibigay sa kanya ang iyong buhay.

- Magtiwala kaysa makipagtalo sa Diyos.

- Lumimot sa nakaraan at magpasiyang humakbang sa isang bagong buhay.

No comments:

Post a Comment