Tuesday, August 17, 2010

MAKE A STAND FOR GOD (Manindigan para sa Diyos)

IceBreaker: Ano ang higit mong ipinagpapasalamat sa Diyos sa iyong buhay?

Text: Daniel 1:1-17
8 Ngunit “ipinasya ni Daniel sa kanyang puso” na hindi niya durungisan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pagkain at alak na galing sa hari.

Intro: Si Daniel ay isang kabataang Israelita na naging bihag sa Babilonia ngunit nagtagumpay sa buhay at nanatiling malalim sa pananampalataya sa Diyos sa kabila ng paganong kapaligiran. Ipinakita ni Daniel ang kahalagahan ng PANININDIGAN PARA SA DIYOS. Ng siya ay isa sa napili na maging lingkod sa palasyo, hindi siya naakit ng marangyang kalalagayan para itakuwil niya ang kanyang pananampalataya. Bahagi ng 3 taong training sa kanila ay ang pagkain ng mga pagkain ng Babylonia na itinuturing ng mga Israelita na bawal. Kung ating titingnan, maliit na bagay lang ang pagkain para hindi sila maunawaan ng Diyos. Pangalawa, sila Daniel ay wala sa sariling bansa para matakot sa paguusig ng mga lider ng Israel at pangatlo, sila naman ay bihag na kung hindi susunod ay mas malamang na kapahamakan pa ang kanilang sasapitin. Ngunit “NAGPASIYA SI DANIEL SA KANYANG PUSO”; nanindigan siya na KAHIT SA MALIIT NA BAGAY gaya ng pagkain ay pararangalan niya ang Diyos at nakamit niya ang PABOR ng Diyos sa kanyang buhay. Magmula noon, si Daniel ay laging mahimalang inililigtas ng Diyos sa lahat ng pagsubok sa buhay; naging prime minister ng Babylonia at ang Diyos ay tumanggap ng matinding papuri sa 2 hari na si Nabucodonosor at King Darius dahil sa kanya.

SA PAANONG PARAAN TAYO MAKAPANININDIGAN PARA SA DIYOS.

1. MANINDIGANG TUMANGGI SA KASALANAN. Daniel 1:8

a. Tandaan, hindi talaga natin kayang labanan ang kasalanan pero kaya nating magpasiya na tumanggi at ang Diyos ang gagawan ng paraan.

b. Ang maagang pagtanggi ni Daniel sa maliit na bagay ay naging daan sa para matanggihan niya ang malalaking pagsubok sa buhay.

c. Tandaang higit na tinitimbang ng Diyos ang pagpapahalaga natin sa maliit na bagay. Huwag balewalain! Ang pagkatiwalaan sa maliit ay saka pa lamang mapagkakatiwalaan sa malaki.

2. MANINDIGAN KAHIT NAGIISA LANG.

a. (Joshua 24:15)

15 At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran…Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, sa Diyos kami maglilingkod."

- Si Joshua ay nakaranas manindigang lumaban kahit sa labindalawang espiya ay dalawa lang silang naniniwala na kaya nilang magtagumpay dahil sa Diyos. Hindi siya nabigo at natupad sa Israel ang pangarap ng Diyos na uri ng buhay para sa kanila. Si Joshua ay nakilala sa kaniyang paninindigan na “para sa akin at sa aking sambahayan, kami ay sa Diyos maglilingkod”.

- Natural na bagay ang makaranas tayo ng pangamba kapag ang ating isasagawa ay higit sa ating kakayanan. Tandaan na ang katapangan ay hindi dahil wala kang takot kundi dahil meron kang Diyos. Manindigan kahit nagiisa pero tandaang hindi ka talaga nagiisa; meron kang kasama, ang Diyos.

b. (Isaiah 6:8)
8 At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, "Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?" Sumagot ako, "Narito po ako; ako ang inyong isugo!" 9 At sinabi niya, "Humayo ka at sabihin mo sa mga tao…

- Ang panawagang ito ng Diyos ay nananatili hanggang ngayon. Nakahanda ka bang tumugon sa panawagang ito na “tumayo, humayo at manindigan” para sa Diyos. Maraming kaluluwa ang maliligtas dahil sa isang tao na tutugon sa panawagan ng Diyos.

- Hindi tayo dapat magalala sa anomang bagay sa ating buhay dahil, “Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya.” 2 Chronicles 16:9

MGA BAGAY NA DAPAT TANDAAN AT GAWIN

a. Ang paninidigan para sa Diyos ay magsisimula sa isang pagpapasiya sa iyong puso at ikinararangal Niya kapag ito ay iyong ginawa, maliit man ito o malaki.

b. Magpasiyang iwasan ang isang bagay na mali gaano man kaliit ito sa iyong pananaw. Ang nagpasiyang umiwas sa maliit na bagay ay makakaiwas sa malalaking kasalanan.

c. Magpasiyang ialay ang sarili para sa Gawain ng Diyos.

No comments:

Post a Comment