Worship Time: 10-15 min
Text: Joshua 7:1-9 …9Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta."
Objective:
• Layunin ng cell leader na mabigyang diin sa mananampalataya na ang katapangan at pagtitiwala sa Diyos ay pangunahin at pinakamahalaga sa lahat ng katangian na magiging dahilan ng katagumpayan.
Intro: Ang pagkatakot ay isang emosyon na nararanasan ng sinumang tao kapag may isang bagay na nagbabanta sa kanya na hindi niya kayang kontrolin. Kaya minsan, dahil sa pagkatakot, ang isang tao ay nakagagawa ng bagay na hindi tama na lalong ikinapapahamak niya. Kaya higit sa lahat ng katangian, gusto ng Diyos na tayo ay maging matapang. Magagawa ito ng isang mananampalataya dahil may Diyos na nagmamalasakit sa kanya. Si Joshua ay isang taong nagtagumpay dahil sa humakbang siya sa pagtitiwala sa Diyos. Pinili niya ang magpakatapang at magtiwala kaya't napagtagumpayan niya ang madaming labanan.
Ano ang matutunan natin sa kanyang buhay?
1. Kailangang magtiwala tayo sa mga pangako ng Diyos. (V3)
PAANO TAYO MAKAPANGHAHAWAKAN SA MGA PANGAKO NG DIYOS?
a. Ang Diyos para siya ay ating pagtiwalaan ay nagpapakita muna sa atin ng kanyang kapangyarihan. Nagpakita muna ng himala ang Diyos sa mga Israelita bago sila inalis sa Ehipto. Ang kanyang kapangyarihan ay ipinakita muna niya sa atin ng tayo ay iligtas niya sa pamamagitan ni Hesus. Tandaan na hindi tayo hahanapan ng Diyos ng pananampalataya kung hindi muna natin nasaksihan ang Kanyang kapangyarihan.
b. Mapagkakatiwalaan ang kanyang karakter; Siya ay TAPAT. Ang katapatan Niya ay ating lalong napapatunayan habang tayo ay patuloy na susunod sa Kaniya anuman ang situwasyong nasa ating harapan.
2. Kailangang dumepende lagi sa kapangyarihan at presensiya ng Diyos. (v5)
Ang Diyos ay laging nangangako na “hindi niya tayo iiwan o pababayaan”. Ito ay Kanyang sinasabi simula pa kay Abraham, Moses at David. Ang ating katapangan ay magmumula sa kaisipang may isang makapangyarihang nagmamalasakit sa atin at may kakayanang magtagumpay sa lahat ng bagay.
3. Kailangang humakbang ng may katapangan at sundin ang Diyos. (v6-9)
Sabi ni John Maxwell, “Ang katapangan ay paghakbang sa pananampalataya kahit kinakabahan”.
TANDAAN NA ANG KATAPANGAN AY HINDI NANGANGAHULUGAN NG “KAWALAN NG KABA” KUNDI PAGPAPATULOY KAHIT MAY KABA.
TAYO AY INUUTUSAN NG DIYOS NA MAGPAKATAPANG DAHIL:
a. Tayo ay modelo ng pananampalatayang gagayahan ng ibang tao. (v6)
b. Ang ating katapangan ay tulay sa pagiging masunurin sa Diyos. (V7)
c. Ang pagkaduwag ay magiging dahilan ng pagsuway ng marami at pagkasira ng plano ng Diyos sa ating buhay. (v9)
MGA DAPAT TANDAAN AT GAWIN
Joshua 1:7-8 Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta.8Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay.
- Ang katapangan ng mananampalataya ay nagmumula sa malalim na pagkakilala sa kapangyarihan at katapatan ng Diyos.
- Ang matapat na pagsunod naman sa mga kalooban ng Diyos ang susi sa patuloy na paglalim ng ating pagkakilala sa ating Diyos.
- Ang masikap na pagsasagawa naman ng tungkuling magbasa at magbulay ng salita ng Diyos ang magiging daan para magaang nating matupad ang lahat ng kanyang tagubilin.